Mga sangang kumakaluskos sa pader, ihip ng hangin sabay bagsak ng malakas na ulan, "Papasok pa kaya ako?", sambit ko sa aking sarili.
Tahimik kong pinagmamasdan ang galaw ng usok sa taas ng aking kape habang nakikinig ng balita. Nang matapos mainitan ang sikmura, dahan-dahan kong inuunat ang mga braso hanggang sa maigalaw ang buong katawan nang tuluyang labanan ang antok at i-kondisyon ang sarili bago pumasok sa trabaho. Matapos ay agad akong naligo at sinuot ang uniporme sa trabaho. Inayos ko rin ang mga gamit na aking dadalhin. Kumuha ako ng isang malaking supot para paglagyan ng aking sapatos. Naisip kong doon na lamang suotin dahil paniguradong may mga maliliit na baha akong madadaanan dahil sa walang tigil na ulan. Tiniyak ko na wala nang nakasaksak na kagamitan bago isinarado ang mga bintana at pinto.
Binuksan ko ang payong upang hindi mabasa ng ambon. Naglakad hanggang sa makarating ako sa sakayan ng jeep. Punuan at siksikan ang mga ito. May mga bus din na maaari kong sakyan ngunit napakahaba ng pila. Wala akong pamimilian kundi ang magjeep. Kung hindi ko pipilitin na sumiksik ay mahuhuli ako sa aking trabaho.
"Oh isa pa sa kanan, dalawa sa kaliwa", sigaw ng lalaki. Agad akong tumakbo at inabot ang bayad. "Bayad po, Sta. Cruz pamilihan lang po", sambit ko at inabot ang bayad sabay sarado ng payong. Pumasok ako sa jeep at hindi ko alam saan ako uupo. Walang may balak umusog kaya napilitan akong pagkasyahin ang sarili sa dulo at sila'y umusog. Sabi ay dalawa pa sa kaliwa ngunit hindi na kami makagalaw.
"Konting usog na lang para makaalis na", sigaw ulit ng lalaki. Wala kaming nagawa kundi ang magsiksikan na parang sardinas sa loob. Ako'y napa buntong-hininga na lamang, basta ang mahalaga ay makarating kami sa paroroonan.
Unahan ng tulay ay ang pamilihan ng Sta. Cruz at ako'y bababa na. Marami kaming bababa ngunit agad akong tumayo at unang bumaba ng jeep. Agad akong tumakbo sa gilid upang hindi masagi at agad na binuksan ang payong at naglakad papunta sa pabrika.
Pansin ko pa rin ang dami ng tao kahit na malakas ang ulan. Hindi pa rin nawawala ang sigla nitong pamilihan. Mga lalaking may malalaking katawan na nagbubuhat ng sako-sakong paninda, mga ateng bantay sa gulay at prutas, mga nagbebenta ng kagamitan, at kahit transportasyon. Lihim akong napangiti habang iniisip ang nasa aking kapaligiran. Umaraw man o umulan, hindi mawawala ang sipag nating mga Pilipino.
Dumating ako sa pabrika at sinalubong ako ng guwardiya. "Maulan na umaga", pagbati niya, ako'y napangiti at binati rin siya. Papasok na sana ako nang marinig ko ulit siyang nagsalita, "Ma'am siguraduhin niyo na lang po na tuyo ang inyo tsinelas kapag papasok". Ako ay nagulat at sapatos na aking dala ay hindi ko na hawak. Agad akong lumabas at tinanaw ang aking dinaanan ngunit tubig sa kalsada at iilang balat ng basura ang aking nakita. Bumalik ako at itinanong sa guwardiya kung may dala ba akong sapatos ngunit siya ay umiling. Hindi ko alam kung babalikan ko pa ba, malamang ay naiwan ko iyon sa jeep.
Bagsak ang aking mga balikat nang pumasok sa loob ng pabrika. Sinigurado ko munang tuyo ang aking tsinelas at paa bago pumunta sa aking pwesto. Nanghihinayang ako dahil iyon ay regalo pa naman sa akin, at hindi pa sapat ang aking ipon para bumili ng bago sapagkat ako'y may pinaglalaanan din.
"Ang haba naman ng nguso mo", saad ng aking kaibigan at ako ay kanyang tinabihan. Sinabi ko na nawala ang ang aking sapatos pagpunta rito. At imbes na maawa siya ay tinawanan pa ako at sinabing papahiramin na lang ako ng iba niyang sapatos. Tinanggap ko iyon kaysa sa wala, mabuti ay may iba pa siyang sapatos.
Ilang sandali ay dumating na ang tagapangasiwa kaya kami ay nagsimula na. Isa-isa kong kinuha ang mga kagamitan at nagtahi na. Kailangan naming tapusin ang nakatakdang bilang ng gagawing damit para maihatid na sa pamilihan. May ilang beses na hindi kami makauwi agad dahil sa dami ng kailangan gawin, minsan ay dahil marami ring mali. Sahod ay hindi aabot sa pinakamababang sahod ng isang manggagawa na gaya ko, ngunit malaki na ito kaysa sa wala. Umaasa na balang araw na kami ay marinig sa kabila ng ingay ng mga makinang pantahi.
Nagsimula kami ng alas-otso at nakatapos na kami ng limang oras, ngayon ay ang oras na ng pananghalian. Panandalian ko munang itinabi ang aking mga natapos na damit at lumabas upang kumain. Kasama ko ang aking kaibigan na nagrereklamo dahil natusok ng karayom. Sinabi ko na lamang na dapat mag-ingat dahil wala tayong pamimilian.
May isang karinderya malapit sa labas ng pabrika at doon namin napiling kumain. Tulad ng inaasahan, hindi lang kami ang manggagawang nandito para kumain. Punuan ang mga upuan sa loob kaya sa labas kami nakaupo, umaasang sana ay hindi umulan. Kinuha ko ang aking pitaka at may isa akong singkwenta at barya. Ano kaya ang mabibili ko rito?
"Singkwenta ang isang putahe, para mas makatipid maghati na lang tayo. Sampo naman ang isang bakit na kanin. Hihingi na rin ako ng libreng sabaw", saad ng aking kaibigan. Agad naman akong tumango at inaabot ang papel na singkwenta.
Ngunit sa huli ay napili naming hindi na maghati sa ulam dahil kakaunti ang bigay at pang isang tao lamang ang ulam. Matagal pa ang aming trabaho kung kaya dapat kaming kumain nang marami upang hindi agad gutumin. Napanguso na lamang ako. Hindi na pala kaya ang 50.
Matapos naming kumain ay bumalik na kami agad. Mayroon lamang kaming isang oras sa pahinga, kasama na ang tanghalian. Bagsak pa rin ang mga braso dahil sa sapatos kong nawala. Mabilis lumipas ang oras ngunit pabigat nang pabigat. Mga utos mula sa nakatataas na dapat ganito at ganiyan, kami ay sumusunod lamang. Matapos maabot ang bilang ng damit na gagawin ay nagsiuwian na rin ang lahat. Malamig man ang panahon ngunit ramdam ko ang pawis dulot ng pagod. Hindi madali maging isang manggawa, idagdag mo pa ang hindi makatarungang pasahod na mas lalong nagpapabigat ng aking nararamdaman.
Lumabas na kami ng pabrika at nagpaalam na sa aking kaibigan. Isang maluwag na yakap ang binigay namin sa isa't-isa bago lakarin ang magkaibang daan. Habang naglalakad ay dama ko ang lamig ng hangin na umiihip, mabuti na rin at walang ulan. Naglakad ako pabalik ng pamilihan kung saan ako bumaba kanina, para doon naman ulit sumakay ng jeep pabalik ng tahanan.
Madilim man ang kalangitan ngunit nilalabanan ng liwanag ng pamilihan. Hindi pa rin sila magliligpit. Kahit sa gabi ay parang kakasimula pa lang. Madami pa rin ang mga tao ngunit sa pagkakataong ito, ang iba ay pauwi na. Punuan pa rin ang mga jeep, siksikan, ngunit hindi mapagkakailang napaka ginhawa dahil alam mong makakauwi ka pa.
Balak ko na sanang sumakay nang isang lalaki ang humawak sa aking pulsuhan. Agad akong napalayo dahil sa gulat, ngunit agad din niyang klinaro ang sarili. Mas matangkad lang siya ng konti at nakasuot ng puru itim maliban sa sapatos na puti. Tinanggal niya ang kaniyang sumbrero at doon ko naaninag ang kaniyang mukha.
"Pasensya na at nagulat kita, ibabalik ko lang sana itong sapatos mo. Nakasabay kita sa jeep kaninang umaga at doon mo naiwan. Hindi ko naibigay agad, tinawag kita pero hindi mo ata ako naririnig dahil sa ingay." paliwanag niya. Hindi ako makapaniwalang tinanggap ang sapatos. Sinilip ko pa kung akin nga ito at akin nga talaga.
Hindi na maipinta ang mukha ko sa saya. "Salamat! Maraming salamat at binalik mo sa'kin", saad ko at bahagyang yumuko. "Buti na lang at nakita mo ako ulit", dagdag ko.
"Hindi ka naman mahirap tandaan", sagot niya na ikinangiti ko. Sa gitna ng aming tinginan ay isang malakas na ulan ang bumuhos. Nagtatakbuhan ang mga tao para maghanap ng silong. Agad ko namang binuksan ang payong ko at lumapit sa kanya nang hindi kami mabasa.
"May isang jeep ulit na dadating, sumakay ka na. Ikalong mo na lang 'yang mga sapatos para hindi mo na ulit makaligtaan.", sabi niya. Marahan akong tumango at nagpasalamat ulit bago siya magpaalam at tumakbo sa gitna ng malakas na ulan. Sinundan ko siya nang tingin hanggang sa mawala siya sa aking paningin pero nanatili pa rin ang mga ngiti sa aking mga mata.
Masaya akong nakauwi, nakakapagod ngunit hindi na masama. Inayos ko ang aking mga gamit at nagbihis bago magluto ng hapunan. Matapos ay kumain at nagpahinga. Pinatay na ang mga ilaw at hinayaang sarili ay dalawin ng antok hanggang sa makatulog. Umaasang sa bukas ay may liwanag nang papasok sa kwarto, at hindi na kailangan pang maghirap papunta sa trabaho.
Comments