top of page

OPINYON | Magtitiwala pa ba tayo sa mga Crypto Game?

  • John Lawrence Beniza
  • Jan 29, 2022
  • 5 min read

Ayon sa datos ng Crypto Head, isang cryptocurrency news outlet na sinusuri ang datos ng Federal Trade Commission, tumataas ng 312% ang krimen na may kaugnayan sa cryptocurrency sa Estados Unidos mula 2016.

Isang makabagong investment ang paglalaro ng crypto games o non-fungible token (NFT) games upang kumita ang isang tao na pwedeng gawin sa mobile phone o iba pang gadyet. Ang paglalaro nito ay nakatutulong upang mapaghalo ng isang taong gustong kumita at sundan ang kaniyang pasyon bilang isang gamer. Hindi na lingid sa kaalaman ng nakararami na ang paglalaro ng mga online games ay hindi na lamang libangan para sa kabataan bagkus nakatutulong sila sa kanilang mga magulang.


Ang crypto games ay mga play-to-earn games na ginagamitan ng mga cryptocurrency sa mga transaksyon nito. Ito rin ang nagiging daan upang kumita ang isang manlalaro base sa kanyang husay sa paglalaro o pagbebenta ng mga NFT. Ang mga naipong digital asset o mga crypto currencies sa kanilang digital wallet ay ipinagpapalit sa totoong pera sa pamamagitan ng Binance o Uniswap. Ang mga digital asset ay magiging legal tender o may halaga na kung ito ay naipalit na sa piso, dolyar o mga pera na kinikilala ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).


Ang mga NFT ay mga digital at cryptographic token na binubuo ng mga kakaibang blockchains. Natatangi ang mga blockchain ng isang partikular na NFT, ibig sabihin, hindi maaaring kopyahin o maulit pa.


Isa sa mga kilalang play-to-earn games sa Pilipinas ay ang Axie Infinity. Pilipinas ang pinakamaraming gumagamit ng larong ito. Mula sa libangan ginawa nang hanapbuhay ng ilang Pilipino ang paglalaro nito. Karaniwang kumikita ang bawat manlalaro ng $200-$1000 (USD) kada buwan.


Noong Agosto 2020, isang dokyumentaryo ni Leah Callon-Butler, isang kolumnista sa Coindesk at Director ng Empharsis, isang consulting firm na nakapokus sa gampanin ng teknolohiya sa ekonomiya ng Asya, ayon sa kanya, ang Cabanatuan City, Nueva Ecija ay napabalitaang may 100 tao ang nasa kalyeng naglalaro ng Axie Infinity upang tugunan ang kanilang kumakalam na sikmura dahil sa pagkakatanggal sa trabaho dulot ng lockdown. Ang probinsya ng Nueva Ecija na kung saan pagsasaka at pagmamaneho ng tricycle ang pangunahing hanapbuhay.


Patunay sa pagsikat ng Axie Infinity sa bansa ang datos ng Sky Mavis, game developer ng naturang laro, na ang Pilipinas ang nagdudulot ng traffic sa larong Axie Infinity sa buong mundo. Humigit 29,000 ang nagdownload ng laro sa bansa, 10,000 noong Marso 2021 sa Pilipinas mula sa kabuuang 70,000 na nagdownload nito sa buong mundo sa parehas na buwan base sa datos ng growth statistics ng game developer ng nasabing laro. Indonesia at Venezuela ang ilan sa mga bansang pinagmumulan din ng traffic sa nasabing laro, kagaya ng Pilipinas na dumadaan sa krisis ang ekonomiya.


Ang paggamit ng cryptocurrency sa online gaming ay nagdudulot ng malayang pakikipagtransaksyon ng isang manlalaro sa ibang manlalaro. Ang cryptocurrency ay gumagamit ng blockchain technology upang masiguro ang desentralisasyon, kalinawan at kawalan ng pagbabago. Malaki ang kinikita ng mga manlalaro rito dahil walang middleman at walang sentralisadong awtoridad na nangangawisa nito. Kung ikukumpara sa credit cards, bank transfers o e-wallet, ang paggamit ng cryptocurrency ay walang hidden fees o transaction fees. Bago pa lamang ang ganitong industriya sa Pilipinas kaya’t gayon na lamang ang pagsang-ayon nito sa panukala ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na patawan ng 12% Value-Added Tax ang bawat digital na transaksyon sa bansa.


Napapadali ng cryptocurrency ang transaksyon sa gaming world gamit ang digital wallet. Walang kontrol ang pamahalaan o anumang kawani ng pamahalaan sa loob at labas ng bansa sa mga cryptocurrency. Ang demand at supply ng bawat bansa ay hindi rin nakaaapekto sa halaga ng cryptocurrency. Ang mga bansang tulad ng Pilipinas na nasa gitna ng krisis ay isa sa mga pangunahing tumatangkilik nito.


Sa tulong ng anonymity ng manlalaro, maaaring maglaro, kumita at magcash-out ang isang manlalaro kahit saan nang walang beripikasyon ng kaniyang katauhan. Naitatago nito ang katauhan ng manlalaro dahil napapalitan ang bawat cryptocurrency address ng mga transaksyon ng isang manlalaro. Ang seguridad ng bawat transaksyon ay mapagkakatiwalaan dahil gumagamit ng blockchain technology ang cryptocurrency, napoproteksyunan ito mula sa mga iligal na transaksyon ng mga digital assets. Naiiwasan din ang hacking at duplication of keys dahil sa mga immutable ledgers ng cryptocurrency.



Sa kabilang banda, ang paggamit ng cryptocurrency sa online games ay nakababahala dahil nasa digital age na tayo kaya digital na rin ang mga krimen. Hindi nakaseguro sa BSP ang bawat transaksyon kaya’t kapag nai-scam, hindi na niya ito mababawi at walang sagutin ang anumang bangko sa kanila upang ito ay palitan. Hindi lang panloloko ang dahilan kaya hindi kumikita ang isang manlalaro, ang pagkatalo sa laro o hindi sapat ang NFT na nakuha at nang ipinagpalit sa isang legal tender na pera ay lugi pa sa ipinuhunan upang mabili ang mga gamit para lumaki ang tsansang manalo.


“Volatile” ang mga cryptocurrency, ibig sabihin, mabilis magbago ang presyo nito. Mabilis din bumagsak at tumaas ang halaga nito kaya mahirap para sa mga investor na hulaan ang market trend. Kaya, kung ang isang tao ay “conservative” o mapanigurado sa kanyang investment, dapat iwasan nila ang cryptocurrency. Dahil sa anonymity ng mga cryptocurrency, mahirap panagutin ang mga may sala. Ayon sa datos ng Crypto Head, isang cryptocurrency news outlet na sinusuri ang datos ng Federal Trade Commission, tumataas ng 312% ang krimen na may kaugnayan sa cryptocurrency sa Estados Unidos mula 2016. Hindi lang mga panloloko ang dapat na bantayan ng isang investor, kung hindi ang mga Initial Coin Offering (ICO) sa mga pekeng cryptocurrency, crypto pump, at dump scheme.


Ang cryptogames ay nagpapatunay lang na malayo na ang narating ng tao sa tulong ng teknolohiya. Ang benepisyo nitong hatid ay may kaakibat na negatibong epekto sa pamumuhay ng tao. Nararapat lamang na bago mag-invest ang tao sa cryptogames ay alamin din ang mga panganib nito. Dapat gumawa ng plano o iba-ibahin ang investment upang mapababa ang tyansang malugi. Ang pagda-diversify ay ang paglalaan ng mga pera ng isang investor sa iba’t-ibang investment na may iba’t-ibang lebel ng panganib. Mapagkakatiwalaan ang mga online games ngunit ang nakababahala ay ang cryptocurrency na ginagamit dito para kumita. Ang pamahalaan ay dapat na tumulong upang makontrol ang mga krimen na sinasamantala ito.





Paglalarawang Tudling ni Kimberly Manalastas

Sanggunian

G. D. (2020, September 9). CoinDesk: Bitcoin, Ethereum, Crypto News and Price Data. CoinDesk. Retrieved January 28, 2022, from https://www.coindesk.com/author/Leah%20Callon-Butler/


Agcaoili, L. (2021, October 3). BSP backs 12% tax on digital transactions. Philstar.Com. Retrieved January 28, 2022, from https://www.philstar.com/business/2021/10/04/2131533/bsp-backs-12-tax-digital-transactions


BSP warns play-to-earn gamers on potential illicit activities. (2021, September 26). BusinessWorld Online. Retrieved January 28, 2022, from https://www.bworldonline.com/bsp-warns-play-to-earn-gamers-on-potential-illicit-activities/


Callon-Butler, L. (2021, May 11). For Filipinos, Axie Infinity Is More Than a Crypto Game. CoinDesk. Retrieved January 28, 2022, from https://www.coindesk.com/business/2021/05/11/for-filipinos-axie-infinity-is-more-than-a-crypto-game/


Daly, L. (2022, January 22). Investing in Gaming Coins. The Motley Fool. Retrieved January 28, 2022, from https://www.fool.com/investing/stock-market/market-sectors/financials/cryptocurrency-stocks/gaming-coins/


Hector, H. (2022, January 15). Don’t believe the hype: The NFT revolution in gaming is a downgrade. TechRadar. Retrieved January 28, 2022, from https://www.techradar.com/news/dont-believe-the-hype-the-nft-revolution-in-gaming-is-a-downgrade


NextAdvisor. (2021, August 12). Is Bitcoin Safe? NextAdvisor with TIME. Retrieved January 28, 2022, from https://time.com/nextadvisor/investing/cryptocurrency/is-bitcoin-safe/


The Daily Gazette Co. (2020, September 11). Is Cryptocurrency the Future of Online Gaming? –. The Daily Gazette. Retrieved January 28, 2022, from https://dailygazette.com/is-cryptocurrency-the-future-of-online-gaming/


Comments


JFINEXPUP ALTLOGO WHITE.png

© 2021 by JFINEX-PUP The Luminary Proudly created with Wix.com

  • The Luminary Facebook Page
bottom of page