top of page

OPINION| HALALAN 2022: BUMOTO NANG TAMA

Katrina Portillo

Nagsimula na ang paghahanda ng mga mamamayan para sa darating na halalan sa ika-9 ng Mayo sa taong 2022 na gaganapin sa kani-kanilang lugar kung saan sila ay nakarehistro. Dalawang araw na lamang ang hinihintay at magaganap na ang halalan sa ating bansa. Tapos ka na bang magsaliksik? Nasuri mo na ba ang lahat ng kandidato? Kumpleto na ba ang listahan ng iyong iboboto?




 

Ngayong nalalapit na ang halalan, kabi-kabilang pangangampanya ang ating nasasaksihan sa mga kumakandidato na naghahain ng kani-kanilang plataporma upang makuha ang pulso ng bayan. Kakaibang pamamaraan naman ng pagsuporta ang makikita mula sa mga mamamayan — nariyan ang pagdalo sa mga rally, pag-alay ng mga tugtugin, pagguhit ng mukha ng mga kandidato, o paggawa ng nakakaaliw na mga poster. Sa papalapit na pagdating ng eleksyon, mahalagang suriing mabuti ang bawat kandidatong tumatakbo, at bigyang kahalagahan ang kapangyarihang bumoto sapagkat ang bawat boto ay kapakinabangan ng buong bansa at mga Pilipino.



Malaki ang gampanin ng eleksyon sa ating bansa sapagkat sa panahon ng halalan ay mas nabibigyan ng boses ang bawat isang mamamayan at nagkakaroon ng kalayaan na iboto ang kandidatong hinahangaan. Nagsisilbing daan ito upang malayang maipahayag ng mamamayan ang kani-kanilang saloobin at hinaing tungkol sa mga kandidatong tumatakbo. Bawat botante ay may karapatan na iboto ang kung sino man sa kumakandidato ang sa tingin nila ay nararapat na mamuno sa ating bansa. Ngunit sa ating pagpili ng kandidato ay dapat nating tandaan na ang ating boto ay makakaapekto sa bansa at sa lahat ng Pilipino, bata man o matanda at pati na rin ang mga susunod pang henerasyon, kaya naman ang patuloy na sigaw ng masa, "Bumoto nang tama!"



PAANO NGA BA BOBOTO NANG TAMA?

Maraming bagay ang maaari nating gawin upang masigurado na sa darating na eleksyon ay makakaboto tayo nang tama. Narito ang ilang mga bagay na pwedeng gawin:


Magsaliksik. Maghanap ng impormasyong makakalap. Siguraduhing maaasahan ang pinagkuhanan ng datos at hindi isang pekeng balita o impormasyon.


Kilalanin ang kandidato. Kilalanin kung sino ang mga kandidatong tumatakbo, kasalukuyang posisyon, at kung ano ang kanilang pinaglalaban.


Plataporma. Mahalaga ang pagsuri ng plataporma upang malaman kung ano ang kanilang plano para sa bansa. Tingnan kung kaninong plataporma ang sa tingin mong pinakakailangan at makakatulong sa ating bansa.


Alamin ang rekord at mga nagawa. Alamin ang rekord ng kandidato at ang mga nagawa nito para sa bansa. Tingnan ang mga programang nagawa at ang mga naipasang bill.


Makinig sa mga debate. Mahalaga rin ang pakikinig sa mga debate upang mabigyang kasagutan ang mga tanong ng Pilipino at upang malaman kung ano ang nakahandang plano at solusyon para sa mga problema ng bansa.


Ilan lamang ang mga nakatala sa itaas sa mga bagay na dapat nating pagtuunan ng pansin sa masusing pagpapasya ng ating ibobotong kandidato.


Sa darating na eleksyon, kinakailangang punan ng mga botante ang walong (8) posisyon — presidente, bise presidente, mga senador, kapulungan ng mga kinatawan ng Pilipinas, sangguniang panlalawigan, gobernador, alkalde, at konsehal.


Tinatayang nasa halos 110 milyon ang bilang ng populasyon sa buong Pilipinas na kung saan 67.5 milyon dito ay ang bilang ng lahat ng Pilipinong rehistrado sa bansa at sa buong mundo. Nasa 84,000 mahigit naman ang bilang ng mga local absentee at nasa halos 1.8 milyon naman ang bilang ng mga Pilipinong botante mula sa iba't ibang mga bansa. Ayon naman sa COMELEC ay mayroong 7 milyong bagong botante para sa taong 2022.

Noong nakaraang buwan ay nakatayang 56% ng populasyon ng mga botante ay nasa edad 18 hanggang 41, pumapalo ito sa higit 37 milyong tao. Samantalang nasa halos 12 milyon naman ang bilang ng botanteng nasa edad 58 pataas.


Ang pagpili ng kandidatong iboboto sa eleksyon ay nangangailangan ng masusing pagpapasya at hindi isang mabilisang desisyon. Huwag nating iwawaglit sa ating puso at isipan na importanteng tayo ay pumili ng mga mamumuno sa bansa na makakapagdala sa atin tungo sa magandang bukas at ikauunlad ng Pilipinas.


May natitira pang oras upang magsaliksik, suriin ang mga kandidato, aralin ang mga plataporma nila, tingnan ang mga nagawa nila at makinig sa mga debate. Siguraduhing sa darating na eleksyon ay baon mo ang listahan ng mga pangalang may potensyal na magdala ng pagbabago at kaunlaran sa bansa.


Pakinggan ang hinaing ng bayan. Ang sigaw ng masa, "Bumoto nang tama!"








 

REFERENCES:


https://votepilipinas.com/index.html

https://newsinfo.inquirer.net/1579736/by-the-numbers-more-voters-in-2022-than-in-previous-polls/amp

https://newsinfo.inquirer.net/1592729/fwd-new-voters-the-game-changers-in-2022-polls-comelec-exec


photo from: rappler.com

thumbnail photo from: manila bulletin


34 views1 comment

1 Comment


Regina Grace Portillo
Regina Grace Portillo
May 07, 2022

Napakagaling ng writer nito.

Like
JFINEXPUP ALTLOGO WHITE.png

© 2021 by JFINEX-PUP The Luminary Proudly created with Wix.com

  • The Luminary Facebook Page
bottom of page